Madumi sa kalsadang nilalakaran
Ang kanyang mga paa ay nababalutan nang mga duming ilang taon naring di nahuhugasan.
Pagala- gala, suot ang damit na dekada na ring hindi napapalitan.
Gutom siya, walang makain kundi mga basurang nahagkan na nang mga samut saring mga langaw.
Pagkagat nang dilim makikita mo siyang nasa isang madilim na sulok, nakatulala nag aabang nang kakalinga.
Ngunit wala, walang sinuman ang gustong lumapit at yakapin ang buo niyang pagkataong nabahiran nang mga elementong hindi nila kayang unawain.
Mas tumindi ang galit niya sa mundo.
Tumindi sapagkat ni hindi man lamang niya naranasan ang pagmamahal nito.
Namulat nang may dusa, tumayo sa dusa at gumapang sa dusa ngayon ay isa na siyang dusta.
Kumapit sa kung ano- ano, umasa sa mga bagay na hindi siya inasahan.
Nasira pati pag asang marating ang rurok nang kaligayahan.
Ngayon ay mas lalong gumulo ang kaniyang mundo, hindi na alam kung saan babalik, sino ang babalikan at kung ano ang dapat balikan.
Nasira nang batong pumukol sa utak niyang walang laman.
Sa lupa nanggaling at doon din babalik, halik- halik ang rosaryong nakasukbit sa leeg niyang nangingitim na sa libag.
Iiyak- iiyak, tutulo ang luhang sing pait nang apdo na susunog sa iyong lalamunan.
Oh..saan? saan ba ang katarungan? Ang buhay niya ay pinagkaitan.
Pinagkaitan nang mga pangakong hindi man lamang naitatag.
Mga pangakong lumutang, mga nangakong sinilaw siya sa kinang nang alapaap
Hanggang sa siya ay nahulog at nalugmok sa lupang natuyo
Na hindi man lamang nadiligan nang mga kinang nang butil nang ulan.
Hindi na siya makatayo, unit unti nang naaagnas ang kaniyang pagkataong matagal na ring pinatigas nang panahon.
Kasabay nito ang unti- unting pagpanaw nang mga ilaw sa kalsadang hindi man lamang siya tinatanaw.
No comments:
Post a Comment